Isa na ata itong Tecno Pova 4 Pro sa pinakasulit na phone under PHP10,000 kung 8/128gb ang pipiliin mo. Pag-usapan natin ang performance, camera at battery life kung bakit ko nasabi ‘yan.
Mabibili natin ang Tecno Pova 4 Pro sa dalawang variant: 8/128GB na may price na PHP9,699 at 8/256GB na may price na PHP10,290. Meron itong tatlong colorways na pagpipilian: orange, blue at gray.
UNBOXING:
Halos hindi nagbago ang itsura ng design ng box ng Tecno Pova line up mula nang mag-unbox ako ng Pova which is good para may signature talaga. ‘Pag open natin ng box, ‘yung phone agad ang makikita natin. Matte finish ang likod nitong Pova 4 Pro na may pagka-gaming phone ang itsura. Sa ilalim ng box, makikita natin ang documentation, jelly case na sobrang nipis, 45W charger, charger cable, wired earphones at sim ejector pin.
DESIGN:
Na-achieve naman ng Tecno ang gaming look dito sa Tecno Pova 4 Pro. At the same time, na-maintain nila ang simplicity ng design. Decent ang overall na itsura, hindi masyadong loud compared sa ibang phones na gaming din ang ina-achieve na performance at itsura.
Sa taas, makikita natin ang secondary speaker. Sa left side naman makikita ang sim tray na pwedeng lagyan ng dalawang sim at isang micro SD Card. In short, expandable ang storage natin dito sa Pova 4 Pro. Sa right side, volume buttons naman ang makikita natin at powerlock button na fingerprint scanner na din. Sa ilalim naman, makikita natin ang main speaker, USB-C port, main microphone at headphone jack.Sa likod, dual camera with flash ang makikita natin. Sa harap, meron tayong selfie camera na nasa loob ng notch at meron din tayong LED flash sa may right side.
Nakakatuwa dahil sa ganitong presyo ng phone, meron na tayong dual speaker at headphone jack. Hindi ko lang masyadong nagustuhan ang powerlock button dahil pantay na ang button sa body ng ng cellphone. So kung minsan, mas napipindot ko pa ‘yung volume down.
Isa pa sa mga nagustuhan ko ay ang haptics ng phone na ‘to. Hindi naman sosyal ‘yung feel ng vibration pero pwede na. Pwede din nating i-off ang vibration kasi mag-e-enjoy naman tayo kapag nagta-type.
DISPLAY:
Meron itong 6.66” AMOLED 1080 x 2460 resolution, 403ppi at 90Hz maximum refresh rate. Very impressive para sa ganitong presyo na naka-AMOLED na tayo dito sa Pova 4 Pro. Tapos ginawa pa nilang 90Hz! Pero if ever naman na gusto nating maka-tipid sa battery, pwede naman nating i-set sa 60HZ lang ang refresh rate. Meron tayong tatlong options sa kaniyang refresh rate setting: 60Hz, 90Hz at Auto-switch refresh rate. Sana lang may option din tayong timplahin ang kulay ng display ng phone na ‘to pero wala talaga eh. Pero ang good news ay ang Widevine Security is Level 1. So makakapanood tayo dito ng HD content sa mga streaming services.
Kung tatanungin niyo ako sa overall display, maliban sa notch, okay naman lahat. Hindi lang super accurate ang kulay kasi nandun na siya sa pagka-bluish na color temperature. Pero depende pa din ‘yan sa personal preferences natin. Kusa din namang bumababa ang refresh rate kapag naka-set sa Auto ang refresh rate kaya tipid sa battery consumption. May times lang na kahit hindi ko na ginagalaw ang display, pumipitik-pitik pa din siya sa 90Hz. Pero sa mga apps naman na hindi supported ng high refresh rate, automatic siyang bababa sa 60Hz.
PERFORMANCE:
Naka-Android 12 na tayo dito out of the box at HiOS 12.0 ang skin. MediaTek Helio G99 ang chipset, 8GB ang RAM at aabot ng 256GB ang internal storage. Kapag naka-90Hz, ang Antutu score ng phone na ito ay 381,868. Kapag 60Hz naman, nakakuha tayo ng 369,506. Kapag naka-Auto switch, 376,459 naman ang nakuha nating score. So ayos na ayos lang kapag naka-auto refresh rate ang settings sa display para balance lang ang performance at battery consumption.
Sa gaming, wala akong nakitang problema. Pero syempre, may limitations pa din itong Pova 4 Pro kasi hindi naman ito flagship phone pero kung ang pag-uusapan ay problems, wala naman akong na-experience. Dito sa Asphalt 9, halos lahat ng graphics na-generate naman nitong Pova 4 Pro at walang framedrops sa bawat laro ko. Kahit sagad din ang graphics natin dito sa Rush Rally 3, nakaka-30 to 40fps pa din ang game play natin. Hindi lang talaga compatible sa high refresh rate gaming itong Pova 4 Pro kasi naka-lock sa 60fps ang Real Racing 3. Naka-Epic ang graphics natin sa Ark: Survival pero very playable pa rin. Hindi lang super smooth compared sa mga naunang games pero pwedeng-pwede na.
Pagdating sa Thermal Performance Stress Test, nakakuha siya ng 99.4% stability score which is again, very good para sa isang phone na may aggressive na chipset. After 20 minutes of test, from 31°C, umabot lang tayo ng 35°C. So wala tayong alarming heat na na-produce sa Pova 4 Pro.
CAMERA:
Meron tayong 50MP main shooter, pero ‘yung isang camera, hindi masyadong na-specify ng Tecno kung ano ang purpose talaga at sa GSM Arena naman, VGA lang ang nakalagay. Sa selfie camera, meron itong 8MP. In fairness naman sa 50MP photos nitong Pova 4 Pro, maganda ang quality at maganda ang color reproduction basta maganda ang lighting natin. Effective din ang super night mode niya.
Kung gusto natin ng stabilization sa 2K 30fps video recording ng main camera, pwede naman pero maganda kung scaled to 1080p. 10x naman ang digital zoom natin habang tayo ay nagre-record dito sa 2K 30fps na resolution. For the most part, okay naman kasi makikita pa din yung mga text sa keyboard. Medyo soft na nga lang kasi syempre digital lang naman ‘to. Hindi nga lang ‘ganun ka-stable kasi nga kailangan pa nating i-downscale to 1080p kung gusto nating maging stable.
Sa video sample ng selfie camera, ang pinaka-sagad na resolution na pwede nating i-set dito ay 2K 30fps. So, same na same lang din siya sa likod. Kung gusto natin ng EIS o Electronic Image Stabilization, pwede nating i-on pero magda-downscale and kanyang resolution to 1080p 30fps lang na recording. Para sa akin, not bad naman ang kanyang quality. Siguro hindi lang ganun ka-accurate ang kulay pero kung iisipin natin ang presyo, okay na ‘to! Kahit tumapat tayo ng todo sa softbox, hindi pa din nawa-wash out yung details ng mukha natin.
Sa 1080p 30fps video sample ng selfie camera, nag-tighten ang kanyang framing. Pero talagang stable siya. Kapag hihingin ng situation natin na kailangan stable ang video recording natin dito sa selfie, pwede naman pero may compromise nga kasi 1080p lang.
BATTERY:
Pagdating sa battery, 6000mAh ang capacity natin. Malaki yan! At 45W ang kanyang charging speed. Kapag naka-lock tayo sa 90Hz, 13 hours and 3 minutes ang nakuha nating SOT. Not bad, pwede na rin. Pero kapag naka-60Hz, ang laki ng improvement dahil nakakuha tayo ng 15 hours and 5 minutes na SOT. Pagdating sa charging time, 1 hour and 3 minutes ang inabot from 15% to 100%.
So overall, after 3 weeks na nasa akin ang phone na’to, wala akong nakitang major issue sa kanya. At again, mare-recommend ko talaga ‘tong phone na ‘to. Katulad ng nabasa niyo sa umpisa ng article na ‘to, isa ito sa mga mare-recommend kong phone under 10,000 kung 8/128GB ang bibilhin mo. Kung gusto mong mag-order nitong Tecno Pova 4 Pro, click mo ang link na ‘to: https://invol.co/clfgyc9. At kung sakaling gumagamit ka na ng phone na ’to, pwede mong i-share ang experience mo sa comment section.