Meron na naman tayong pag-uusapang budget-friendly Android phone na galing sa Infinix. Ito ang kanilang bagong Hot 30. For PHP6,999 ano kaya ang pwedeng i-offer ng phone na ‘to sa atin? Tara! Tignan natin.
UNBOXING
Neon green ang box nitong Infinix Hot 30 na may violet accent. Makikita natin sa baba ng box ‘yung kanyang chipset na Helio G88. Kapag tinilt natin ang box at natamaan ng ilaw, meron tayong words na makikita na ‘Fast and Fun’. Sa likod naman makikita ang mga top specs niya kagaya ng chipset, display na 1080p 90Hz, 50MP main shooter, 33W fast charging at 5000mAh battery capacity. Ang andito sa atin ngayon ay Sonic White. Pero if ever na ayaw niyo ng kulay na ‘to, meron pa itong Surfing Green at Racing Black.
Pagka-open ng box, makikita natin agad ‘yung mismong Infinix Hot 30 na nakabalot sa Neon Green na plastic. Ang ganda ng design nitong Infinix Hot 30. Para siyang may holographic design pero kapag hinawakan mo, wala naman talagang texture. Hindi din siya super glossy tapos aakalain mo na glass ‘yung feel niya.
Sa loob pa din ng box, meron pa itong warranty card, TPU case, USB-C to USB-A cable, sim ejector pin at 33W charging break.
DESIGN
First impression ko sa phone na ‘to is maganda. Napaka-premium ng itsura niya for PHP6,999. Siguro, kung mache-check natin ‘yung Surfing Green, baka mas maganda iyon sa personal. Pero ako, kontento na ako sa Sonic White kasi hindi masyadong halata ang mga fingerprints. Flat na din ang mga sides nito. Sa may kanan makikita ang volume buttons at powerlock button na fingerprint scanner na din. Sa taas, wala tayong makikitang kahit na ano. Sa may left side naman, andito ang sim tray na expandable, kaya pwede tayong maglagay ng micro SD card at dual sim slot. Sa may ilalim naman makikita ang USB-C port, main microphone, headphone jack at speaker. Makikita naman sa harap ang punch hole selfie camera.
PERFORMANCE
Naka-XOS 12.6 na ito on top of Android 13, MediaTek Helio G88 chipset, 8GB LPDDR4X physical RAM, up to 8GB MemFusion at 128GB eMMC internal storage.
Kung gusto nating i-turn on ang MemFusion, pwede pa tayong pumili sa 5GB at 3GB maliban doon sa 8GB. Pero katulad ng lagi kong sinasabi, kung hindi niyo naman kailangan at hindi kayo mabubukas ng madaming application ng sabay-sabay, hindi niyo na kailangan i-enable itong MemFusion. Good thing ito para doon sa mga nagha-hang na ang phone kasi meron kayong pang-backup.
Pagdating naman sa Antutu, nakakuha tayo ng 251656 kapag naka 60Hz refresh rate. Pwedeng-pwede na ang score na iyan para sa presyo ng phone na ‘to. Kapag naka-90Hz naman, nakakuha tayo ng 253195. Pero kahit mataas ang score na nakuha natin dito sa Hot 30, medyo disappointed talaga ako na ang storage type na nilagay nila dito ay eMMC lang at hindi UFS kasi mabagal na iyan para sa taong 2023.
Pagdating sa gaming, hindi niya na-generate lahat ng graphics sa Asphalt 9 pero hindi naman sobrang potato quality ang na-generate niyang graphics. Ang pinakaimportante ay smooth ang game play niya at walang malalang framedrops.
Good news din kasi meron na itong dual speaker hindi kagaya ng ibang phone na may ganitong price segment, single speaker lang ang makukuha natin. At pasado sa akin ang sound quality niya kasi hindi sobrang lakas ng maximum volume niya pero na-satisfy ako. Tapos, clear ang sound na napo-produce niya, hindi muffled at hindi tunog lata.
BATTERY
Katulad ng nakita natin sa box, meron itong 5000mAh battery capacity na capable sa 33W fast charging. Nakakuha tayo ng 9 hours and 37 minutes na SOT kapag naka-Auto refresh rate. Kapag naka-60Hz naman, naging 9 hours and 42 minutes. Sana sa mga susunod na update ay maimprove ng Infinix ‘yung battery performance nitong Infinix Hot 30 kasi hindi talaga maganda na hindi man lang umabot ng 10 hours ang SOT. Pagdating naman sa charging, 1 hour and 15 minutes ang inabot from 16-100%.
DISPLAY
Meron itong 6.78″ IPS LCD FHD+ 1080 x 2460 resolution at 90Hz maximum refresh rate. Kung pag-uusapan natin ang quality ng display nitong Infinix Hot 30, okay lang kasi hindi ganun ka-accurate ang color kasi medyo bluish siya. Pero for the most part, pwede na sa mga media consumption natin. Ang maganda diyan, kapag tinignan natin ang Display Settings, meron itong Color Temperature na makakatulong sa atin para ma-adjust ang timpla ng kulay. Pero hindi siya kagaya ng Infinix Note 30 5G kung saan meron iyong presets na Original or Bright. Dito, temperature lang ang mababago natin.
Pagdating sa kanyang refresh rate, meron tayong tatlong option: 90Hz, 60Hz at Auto-switch. ‘Yung kanyang Auto-switch ay kusa namang bumababa to 60Hz kung kinakailangan.
Para naman doon sa mga gumagamit ng streaming services, good news kasi ang kanyang Widevine Security Level ay Level 1. So, makakapag-play siya ng mga HD content. Pero FYI lang, kapag nag-search tayo ng Netflix sa Play Store, hindi natin siya makikita. Ibig sabihin, hindi tayo makakapag-install gamit ang PlayStore.
CAMERA
Meron itong 50MP main shooter na may AI secondary camera, 8MP selfie camera at LED flash. Ito ‘yung mga sample photos:
Sa kanya namang 2K 30fps video recording sa main shooter at selfie camera, 10x ang pinakasagad na digital zoom nito at wala itong stabilization.
Anong masasabi niyo dito sa Infinix Hot 30? Sa tingin niyo ay sulit siya para sa price niya na PHP6,999? Comment kayo diyan sa baba.
Kung ako naman ang tatanungin ninyo, para sa akin ay sulit siya at sobra-sobra pa nga ang makukuha ntin sa phone na ‘to. Yes, medyo mababa ang SOT na nakuha natin pero kagaya ng sinabi ko, pwede nating ma-expect na maiimprove pa iyan ng Infinix sa mga susunod na software updates. Pero pagdating sa ibang aspect, sobra-sobra ang nakuha natin dito sa phone na ‘to. Hindi lang 1080p ang resolution mo dito, 90Hz pa ang refresh rate. Tapos pwede ka pangmakapanood ng HD content sa mga streaming services. 50MP na din ang camera tapos Helio G99 pa ang chipset at kaya niya ding patakbuhin ‘yung mabibigat na mga games.
Kung interested kayong bilhin ito, click niyo lang ang link na ‘to: https://invol.co/clinfje