Pag-uusapan natin ngayon itong Dere T30 Pro na pwedeng maging tablet at laptop. Meron itong tatlong configuration itong T30 Pro sa kanilang flagship store sa Lazada. Ang Base Model ay 8+256GB na may presyong PHP19,999 at may kasamang snap-on keyboard case. Second is ‘yung 16+512GB na may price na PHP24,990 at may kasamang magnetic keyboard case. Panghuli ay ang 16+1TB na may price na PHP26,999 at may kasama ring magnetic keyboard case. Meron itong dalawang kulay na pwede niyong pagpilian: gray at green.
DESIGN
Magaspang ‘yung texture ng likod nitong color gray at hindi siya kapitin ng smudges at fingerprint. Meron tayong makikitang pogo pins sa likod kung saan natin iko-connect ‘yung magnetic case na kasama na kapag bumili tayo ng 16GB na configuration. Meron din itong camera sa likod na 5MP.
Sa left side makikita ang dalawang USB 3.0, headphone jack at speaker. Sa may right side naman makikita ang charging port, dalawang USB-C ports na pwedeng gamitin sa charging, micro SD card reader at isa pang speaker. Meron din tayong makikitang mga ventilation sa taas na para sa akin ay maganda ang pwesto.
Windows tablet lang ang makakapag-provide sa atin ng USB-A ports. Kasi ‘yung mga Android tablets at mga iPad, USB-C port lang. Kailangan pa natin ng dongle para makapagsaksak ng flash drive na naka-USB-A. Pero dito sa T30 Pro, may USB-A port na at dalawa pa. Plus, may extra pang dalawang USB-C port. Kaya pwede tayong mag-connect ng maraming peripherals sa Windows tablet na ito.
Reliable at sturdy din ang magnetic keyboard na kasama sa mga 16GB na configuration. Grabe ‘yung hinge at magnet! Napaka-strong talaga. Hindi man lang umaalog-alog ‘yung T30 Pro kapag nakabit mo na. Medyo makapal lang siya sa may bandang baba which is okay lang naman kasi may weight na panlaban sa T30 Pro. Madali lang din ikabit at ilagay itong T30 Pro sa magnetic case kaya hindi tayo mahihirapan.
Masarap din mag-type dito sa magnetic keyboard ng T30 Pro. Actually naka-51wpm ako dito! Maganda ang key travel at gap between case. Meron din itong three levels of backlight. Ang problema lang, okay naman gamitin ‘yung track pad niya kaya lang minsan over sensitive siya lalo na kapag mag-snipping tool tayo o mag-scroll sa mga browser at application. Pero ang maganda dito sa magnetic case, hindi na natin kailangan i-charge o i-connect sa bluetooth. Kapag nilagay na natin sa kanya ang T30 Pro, connected na siya kaagad.
Wala lang din itong naka-install na screen protector kaya puro fingerprints at smudge magnet kapag ginagamit natin as tablet. Medyo may kabigatan din siya kapag ginagamit natin as tablet. Para siyang tatlong smartphones.
DISPLAY
Meron itong 13″ 2K IPS display, 2160x1440p, 330 nits peak brightness at meron siyang wide color coverage. Maganda naman ang display nitong T30 Pro kasi hindi siya bluish at maputla. Pero hindi ko masabi na sapat na ang color coverage niya para maging 100% accurate.
Medyo nanghinayang lang ako sa Windows logo sa gitna kasi sa ibang Windows tablet, ginagawa nila itong capacitive para sa Start Button. Pero dito, hindi.
Para naman doon sa mga nagbabalak gamitin itong T30 Pro sa mga drawings at digital art, medyo mahihirapan kayo kasi walang palm rejection ‘yung display.
PERFORMANCE
Naka-Windows 11 na itong Dere T30 Pro out of the box. 11th Gen Intel Celeron ang meron tayo dito, DD4 RAM at M.2 SSD.
Kailangan niyo ding tandaan na medyo iba talaga ang behavior ng Windows kumpara sa mga Android at iOS. Halimbawa, ‘yung basic na pag-unlock, ilang seconds muna ang hihintayin natin bago lumabas ang display. Kasi sa Windows tablet, kapag pinindot natin ‘yung lock button, mag-sleep siya kaya mag-take time talaga bago natin ma-unlock ulit.
Pagdating sa overall performance niya, makikita natin sa PC User Benchmark na hindi talaga ‘ganun kaganda ang score na nakuha natin dito sa T30 Pro. Hindi naman ako nagtaka doon kasi naka-Intel Celeron lang tayo kaya hindi talaga tayo pwedeng mag-expect ng sobrang bilis na performance. Pero ‘yung performance nitong T30 Pro ay pwede na sa mga everyday task natin at basic office work kagaya ng Word, Excel, PowerPoint, simple photo editing, pag-browse sa internet at panonood ng movies.
CAMERA
Ang maganda sa webcam ay nasa gitna kapag naka-landscape mode tayo kaya talagang nakatingin tayo palagi ng diretso. Kaya lang, ‘yung unit na nasa akin ay may defect ata kasi may guhit siya. Pero pagdating sa quality, pwede na. Hindi siya ganun kalinaw pero sapat naman ‘yung liwanag natin, okay na rin kasi nakikita naman tayo ng maayos ng kausap natin.
BATTERY
Sa basic na paggamit ko, umaabot naman siya ng 5-7 hours SOT. Kaya kapag gagamitin pa natin siya sa mas mabigat na applications, bababa pa ‘yan. Pero ang nakaka-bilib dito ay ‘yung standby time niya. Na-try kong hindi siya i-shutdown, ni-lock ko lang siya talaga at after 24 hours, 1% lang ang nabawas sa battery. Kaya lang kapag iniwanan natin siya sa keyboard, napansin ko na mas mabilis mabawasan ang battery kahit pa naka-standby lang siya.
Para sa inyo, sulit ba itong Dere T30 Pro na 2-in1 laptop? Comment kayo diyan sa baba.
Kung ako ang tatanungin, para sa akin pwede na ‘yung presyo na yan kasi 16GB na ang RAM at 512GB or 1TB ang internal storage pero hindi man lang tayo umabot ng PHP30,000. Tapos meron pa itong kasamang magnetic keyboard. Kung ako sa inyo, recommendation ko lang, huwag ng 8GB ang kunin ninyo. Mababa na nga ‘yung Intel Celeron tapos mababa pa ang RAM na kukunin mo. Dun ka nlng sa 16GB, okay na ‘yun. ‘Yung 512GB na storage, pwedeng-pwede na din kasi pwede ka namang magsaksak ng flash drive o external hard drive.
Para sa mga gustong bumili nitong 2-in-1 laptop, click niyo itong link: https://invol.co/clfvlov